Halaga (Unan)
Sa unang pagyakap ko sa’yo
Kaligayahan ang aking napagtanto
Sa mga panahon na ika’y wala sa piling ko
Pakiwari ko’y kulang ako
Nang umuhip ang malamig na hangin
Pagsasamahan nating wagas, aking dalangin
Sa gabi kung saan tulog ko ay malalim
Marahil ang sanhi nito ay ang pagyakap ko sa’yo ng mataimtim
“Marami naman diyan at may iba’t-ibang klase.”
Ang bulalas palagi sa akin ng mga kaibigan kong babae
Bagamat mahirap nga tukuyin ang mga posibleng mangyari
Ikaw parin ang nais makatabi sa mga darating pang gabi
Ngunit ano nga ba, O aking sinta
Mga yakap mo noong kay init ngayon ay malamig na
At sa bawat takbo ng oras na lumilipas
Mga tampuhan at pagtatalo na lamang ang siyang tanging natirang bakas
Subukan nating ikumpisal at isigaw
Mga bagay na tila sa ating kasiyahan ay umaagaw
Hindi man magiging madali ang paraan
Ngunit mundo natin ay muling magtatagpo
Kung parehas talaga an gating pananaw
Pero mukhang hindi na natin maipipilit pa
Dahil ang salitang katapusan ay natatanaw ko na
At bago pa tuluyang matapos itong aking tula,
Mabuti pa siguro ay tanggapin ko nga
Tanggapin na hindi ko na maibabalik pa
Tanggapin na baling araw ay may darating pa
Tatanggapin ko na na maroon talagang mga bagay na nawawala
At tanggapin na ang unan na katulad mo ay dapat pinapalitan talaga