top of page

Pamamaalam (Ballpen)

Pamamaalam

(ballpen)

Ilang taon na nga ba?

Naaalala mo pa ba?

Ang una nating pagkikita

Natatandaan mo pa ba?

Ang gabing nagtapat ako ng aking damdamin sa ilalim ng mga bituin

Di makapaniwalang ako'y mahal mo din

Ilang taon na nga ba?

Isa, dalawa, tatlo, apat, lima

Lima

Limang taon na tayong magkasama

Limang beses kang na-sorpresa

Naiyak at natuwa

Sa mga pakulo

Na aking inihanda sa ating anibersaryo

Apat

Tuwing ika-apat ng buwan, bumabalik tayo sa una nating tagpuan

Nahihiya, natatawa

Sa dati nating pinaggagawa

Tatlo

Tatlong beses, sinubukan mo kong iwanan

Sobra kitang nasaktan

At nanlimos ako ng tawad

Ngunit patuloy mo akong sinamahan at ginabayan

Dalawa

Ikaw, ako, nangako tayong dalawa

Sa dalampasigan, saksi ang buwan at mga bituin

At ang tamis ng unang halik

Gabing punong-puno ng damdamin

Isa

Isang beses, nagtampo ka

Sabi mo, lagi ko na lang hawak ang ballpen ko

Sulat ng sulat kahit ikaw ang kapiling ko

Ang sabi ko, sinusulat ko ang sandaling ito

Para kapag matanda na tayo, may magpapaalala sa atin na nangyari ito

Napalitan ng malapad na ngiti ang kanina mong gusot na mukha

Wala

Wala ng beses kong makikita ang napakatamis mong ngiti

Na nagbigay liwanag sa malimlim kong gabi

Nais kong gumising sa malagim na realidad ng buhay

Pilit na inaalis sa isipan

Ang katotohanang may kung ano-anong aparato ang nakakabit sa katawan ko

Hinawi ko ang buhok na tumatakip sa isang magandang tanawin

Naaalala ko pa ilang araw bago ang kaarawan ko

Tinanong mo kung anong gusto kong regalo

Nagpakawala ka ng mahinang tawa dahil ballpen ang aking sinabi

Nakakainis lang dahil pinagtawanan mo ang sinserong sagot ko

Ang inis na nadama ay napalitan ng tuwa dahil parang musika

Sa aking pandinig ang iyong tinig

Tinupad mo naman aking hiling, ngunit hindi lang isa kundi tatlo

Nakaramdam ng galak ang aking puso sa isip na patuloy kong maisusulat ang bawat pagdaan ng araw

Sayang

Ako'y nanghihinayang dahil hindi ko na magagamit ang dalawa dahil ito na ang huli

Nauubos na ang tinta kasabay ng pagtatapos ng aking tula

Sana hindi na lang pala ballpen ang aking hiningi

Maaari namang mechanical pencil upang kahit papaano

Kahit maubos, pwedeng lagyan ng panibago

Baka sakaling madagdagan ang tinta ng aking buhay

Ngunit mas pinili ko ang ballpen na hindi kayang refill-an

Huwag kang mag-alala, aking sinta

Hindi naman nasayang 'yong tinta

Sa bawat araw na kasama kita, dito sa puting silid na iisa lang ang kama

Isinulat ko ang magaganda nating alaala upang kapag tuluyan na akong nawala may babalikan ka

Matatawa, maiinis, mahihiya, ngingiti, at luluha

Kung kaya ko lang pahintuin ang kamay ng orasan ay ginawa ko na

Nararamdaman kong pagpikit ng aking mata'y nalalapit na

Napapagod na

Nagdarasal

Nagmamakaawa

Habang mahimbing kang natutulog sa aking tabi

Paborito mong marinig ay aking sinambit

Na sa tuwina'y sa iyo nagpapakilig

"Mahal na mahal kita."

Sa sandaling ito ay nabasa ang aking pisngi

"Patawad."

Marahil sa sandaling binabasa mo ito, wala na ako sa mundo

Marahil galit ka sa akin dahil sa aking paglisan

Hindi man lang ako nag-paalam ng personal

Tinakpan ko ang aking bibig, natatakot na baka ika'y magising

Sa bawat hikbi ng aking pighati

Sana sa mga isinulat ko, ngiti ay gumuhit sa iyong mga labi

Kahit sa ganoong paraan ay mapangiti kita na hinding-hindi ko na magagawa pa

Marahan kong hinawakan ang malambot mong kamay

Gumuhit sa aking isipan ang naniningkit mong bilugan na mga mata sa tuwing ika'y nakangiti

Ang tulang ito ang huling tinta ng regalo mo

Ang huling alaala ng aking buhay

Ang huling matatanggap mo

At ito na din ang huling maisusulat ko

Para sayo

Pasensya ka na kung medyo malabo na sa parteng ito

Dahil ayaw ko pang tapusin kaya pinipilit ko

Na magsulat kahit naghihingalo na, hindi lang ako, pati na rin ang tinta

Sa aking paghimbing, ang iyong paggising

Kahit nanghihina, pinilit kong bigyan ka ng ngiti

Ngiti

Ang aking ngiti ang huli kong regalo

Ngunit sinuklian mo iyon na lagi kong dadalhin sa aking puso, ang paborito kong ngiti

Nginitian mo ako

Liwanag at dilim

Kasabay ng ating mga ngiti, ang aking pagluha

Unti-unting nagdilim ang aking paningin

Naramdaman ang init ng iyong paghawak sa kamay kong nanlalamig

Isang nakabibinging tunog ang bumalot sa silid

Mahal na mahal kita, Jena

Maraming salamat, paalam na


Featured Posts
Check back soon
Once posts are published, you’ll see them here.
Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
  • Google+ Basic Square
bottom of page